📷 OWWA
Kasunod ng muling pagbibigay-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kahalagahan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa kanyang nagdaang State of the Nation Address (SONA), nangako ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mas palalawakin pa ang mga serbisyo at suporta para sa mga bagong bayani at sa kanilang mga pamilya.
Sa isang panayam sa Radyo Pilipinas, Radyo Publiko, ipinaabot ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na ang patuloy na pagkilala ng Pangulo sa mga OFW ay nagsisilbing kumpirmasyon sa mga pagsisikap ng pamahalaan, habang nagbibigay din ng hamon sa OWWA at sa Department of Migrant Workers (DMW) na lalo pang pagbutihin ang kanilang serbisyo.
“Sa amin, isang itong kumpirmasyon. Taun-taon sa SONA ng ating mahal na Pangulo, hindi nawawala ang mga OFWs,” pahayag ni Caunan.
Ayon sa opisyal, nakatakdang buksan sa Setyembre ang isa sa mga pangunahing inisyatibo ng ahensya—ang OFW/OWWA Academy. Layunin nitong magbigay ng karagdagang kaalaman at pagsasanay para sa mga nagbabalik-bayan o sa mga nagnanais muling magtrabaho sa ibang bansa.
Bukod dito, magpapatuloy rin ang pagpapalakas ng OWWA sa scholarship programs sa pakikipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Binigyang-diin ni Caunan na ang edukasyon ng mga anak ng OFW ay nananatiling isa sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyong Marcos.
Binigyang-pansin din ng OWWA Administrator ang ulat ng Pangulo na higit 12,000 OFWs na ang naasistehang makauwi sa bansa. Aniya, hindi nagtatapos sa pag-uwi ang tulong ng pamahalaan; kabilang din dito ang pagbibigay ng livelihood programs, reintegration packages, at tulong sa paghahanap ng bagong trabaho sa loob o labas ng bansa sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Service Offices (PESO).
Tiniyak ng OWWA na patuloy nilang ilalapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng mga service caravan sa Pilipinas man o sa abroad.