Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Sa pagpasok ng Pilipinas sa tinatawag na “golden age of education and education reform” na binanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA), ibinahagi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mas pinatibay na ugnayan nito sa iba pang education-related government agencies sa ilalim ng One Education system.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni TESDA Public Information Office Executive Director Floramel Joy Songsong na sa ilalim ng One Education system ay nagkakaroon ng mas pinalinaw at pinalakas na koordinasyon sa pagitan ng TESDA, Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHEd) upang maggabayan ang ating mga kababayan mula sa kanilang pag-aaral hanggang sa pagpasok sa iba’t ibang karera.
Ani Dir. Songsong, kasama na rito ang pagtawid mula Basic Education patungo sa Technical-Vocational Education and Training — kung saan maaaring magtrabaho ang isang indibidwal bago magkolehiyo.
Dagdag ng opisyal, layon ng One Education system na ihanda ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang “pathways” sa pag-develop ng skills na kakailanganin sa kanilang mga karera.
Ayon pa kay Dir. Songsong, nandyan ang Technical Vocational Livelihood (TVL) Track na isa sa mga maaaring piliin ng mga estudyante kapag tutungtong na sila sa senior high school.
Aniya, dito ay maaaring magpa-assess ang mag-aaral upang mabigyan sila ng National Certificates (NCs) na hindi naman nawawalan ng halaga kapag nagdesisyon na ang mga ito na tumungo sa kolehiyo dahil maaaring i-credit ito sa mga unibersidad.