Nabigyan ng agarang tulong ng pamahalaan ang napauwing 38 OFWs kasama ang kanilang 12 dependents mula Dubai, gayundin ang 17 Pilipinong marino na sakay M/T GAS na naapektuhan ng insidente sa Black Sea.
Pagdating sa NAIA Terminal 3 sakay ng Emirates Flight EK330 kaninang madaling araw, agad na ipinagkalooban ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ng pagkain, financial assistance, at transportation assistance ang bawat isang repatriated OFW.
Ang mga nangangailangan naman ay binigyan din ng pansamantalang accommodation upang matiyak na ligtas at maayos na pagdating sa bansa.
Nabigyan naman ng Special Financial Assistance ang 17 Pilipinong marino ng M/T GAS at sinalubong sila ng kanilang manning agency na nagbigay ng temporary accommodation at transportation assistance pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan habang isinasagawa ang iba pang kinakailangang post-arrival arrangements.
Tiniyak naman ng OWWA na tutulong din ang pamhalaan sa reintegration program. Katunayan bibigyan sila ng tulong para sa employment, livelihood, entrepreneurship, skills training, at iba pang oportunidad. | ulat ni Louisa Erispe