Hiniling ni Senate President Sherwin Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na magsumite ng detalyadong timetable at audit plan para sa isinasagawang pag-audit sa fuel pass-through charges ng mga power generation company at distribution utility.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Gatchalian na ang generation charge ang bumubuo sa halos 60 percent ng kabuuang singil sa kuryente.
Dahil dito, mahalagang matiyak na tama at makatwiran ang fuel costs na ipinapasa sa mga consumer.
Tinanong din ng Senate President ang ERC kung may mekanismo para maibalik sa mga consumer ang anumang sobrang singil kapag napatunayang may overpricing o over-recovery sa fuel charges.
Ayon sa ERC, maaari itong mag-utos ng refund kung mapatutunayang may labis na naisingil.
Ang distribution utilities ang magbabalik ng sobrang bayad sa mga consumer at sila naman ang maniningil sa mga generation company na lumabag sa kanilang kasunduan.
Inatasan din ni Gatchalian ang ERC na isumite sa Senado ang listahan ng mga distribution utility at generation company na hindi sumusunod sa mga regulasyon.
Samantala, iginiit din ni Gatchalian ang agarang pagpapatupad ng plano ng administrasyon na alisin ang system loss charges sa singil sa kuryente, kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address.
Bagama’t inamin ng Department of Energy at ERC na hindi sila kinonsulta bago ito inanunsyo, sinabi ni Gatchalian na isa na itong malinaw na policy directive ng Pangulo kaya dapat ay nakahanda na ang mga ahensya sa mga mekanismo at panukalang batas para sa implementasyon nito.
Binigyang-diin ng Senate President na hindi dapat ipasa sa mga consumer ang system loss dahil hindi nila kasalanan ang technical losses at ilegal na koneksyon sa linya ng kuryente.
Ayon pa kay Gatchalian, may walong panukalang batas na sa Senado na naglalayong alisin ang system loss charges, at inaasahang mapapabilis ang pagtalakay rito sa mga susunod na pagdinig. | ulat ni Nimfa Asuncion