Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagong promote nitong tauhan na kunin ang tiwala ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng tapat, propesyonal, at may malasakit na paglilingkod bilang mga alagad ng batas.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang promosyon ay hindi lamang pagkilala sa mga nagawa ng isang pulis kundi panawagan din sa mas malaking pananagutan.
Higit pang palakasin ng PNP ang isang propesyonal at maka-mamamayang puwersa ng pulisya matapos ang sabayang panunumpa, at donning of ranks sa 5,602 Pulis sa ilalim ng First Cycle Calendar Year 2026 Regular Promotion Program noong July 29.
Kabuuang 393 second-level uniformed personnel ang tumanggap ng kanilang promosyon sa Kampo Crame.
Habang isinagawa naman ang sabayang seremonya sa mga Police Regional Office at National Support Unit para sa natitirang 5,209 na tauhang na-promote sa buong bansa. | ulat ni Jaymark Dagala