Kung si Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr ang tatanungin, dapat nang lumayas ang lahat ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.
Inihayag ito ng Kalihim makaraang ibulalas na nito ang kaniyang inis kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan nang itanong nito kung ano raw ang mapapala ng Pilipinas sa pagpapalala ng tensyon sa South China Sea.
Sa pagdalo ni Teodoro sa Kapihan sa Manila Bay, iginiit nito na hindi dapat sisihin ang Pilipinas sa usapin lalo’t ipinaglalaban lamang nito ang karapatan ng bansa salig sa International Law.
Dagdag pa niya, bukod sa pinalalabas ng Chinese Envoy na tila pinangangaralan ang mga Pilipino, sila pa ang unang nagagalit at humahantong na sa pagbabanta ang mga binibitiwan nilang pahayag.
Isa lamang ang nakikitang solusyon ni Teodoro, umalis sa 200 nautical miles Executive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang lahat ng barko ng China at matatamo ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon. | ulat ni Jaymark Dagala