Kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address o SONA tungkol sa pormal na pagtatapos ng peace pact sa Cordillera Bodong Administration, Cordillera People’s Liberation Army o CBA-CPLA matapos ang 15 taon, sinisimulan na ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU ang pagpapatupad ng mga susunod na hakbang.
Sa kaniyang ika-100 araw sa puwesto, sinabi ni OPAPRU Secretary Mel Senen Sarmiento na halos pinal na ang draft ng completion agreement, kung saan minor na lamang ang natitirang mga deliverables. Kabilang dito ang educational assistance at iba pang socio-economic programs para sa mga dating rebelde, na aniya ay nakapaloob na sa ipinanukalang pondo ng pamahalaan. Umaasa rin ang kalihim sa suporta ng Kongreso upang maaprubahan ang kinakailangang budget.
Binigyang-diin ni Sarmiento na hindi matatapos sa paglagda ng kasunduan ang suporta ng pamahalaan sa Cordillera. Aniya, magpapatuloy ang mga proyektong pangkaunlaran tulad ng pagpapalawak ng road connectivity at iba pang programang magpapalakas sa ekonomiya ng rehiyon bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na mapaunlad ang lahat ng rehiyon sa bansa.
Ayon kay Sarmiento, malinaw ang direktiba ni Pangulong Marcos na tiyaking magpapatuloy ang kapayapaan at kaunlaran sa Cordillera, kasabay ng pagtupad ng pamahalaan sa mga pangakong nakapaloob sa peace agreement. | ulat ni Ej Lazaro