Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang agarang aksyon sa panibagong pagguho ng Bukidnon-Davao Highway sa bahagi ng Barangay Buda, Davao City.
Sa panayam kay Dizon, inihayag nito na nagbigay na siya ng direktiba sa DPWH XI na ipatupad ang mga hakbang na ginamit nito sa gumuhong parte ng highway sa Sitio Marahan, Barangay Marilog Proper, upang madaanan ito.
Ayon sa kalihim, na gagawa sila ng slope protection para sa natirang isang lane ng kalsada upang madaanan pa rin ito ng mga sasakyan.
Giit nito, na kinakailangan na magawa agad ito dahil ayaw nitong makita na naabala ang publiko lalo na ang mga commuter na kinakailangan pang bumaba bitbit ang kanilang karga o anak para lumipat ng bus sa kabilang dulo.
Pinatitiyak naman ni Dizon, na dapat pati mga malalaking sasakyan gaya ng bus ang makakadaan upang hindi na maabala ang mga pasahero na magpalipat-lipat.
Gabi ng July 27, 2026 nang gumuho ang nasabing highway sa Purok 12 Barangay Buda bunsod ng isang landslide.