Naghain si Senator Jinggoy Estrada ng Petition for Bail sa Sandiganbayan 5th Division na humahawak sa kasong plunder kaugnay ng umano’y flood control scandal.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Estrada na dapat siyang payagang makapagpiyansa dahil hindi umano malakas ang ebidensiya laban sa kanya.
Ipinunto rin nito, na walang matibay na ebidensiya na siya ay nagkamal ng umano’y ₱573.75 milyong ill-gotten wealth, tumanggap ng kickback o komisyon mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), o nakipagsabwatan sa kanyang mga kapwa akusado para maisingit ang flood control projects sa National Budget.
Una nang hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ni Sen. Estrada na agad makapag-bail sa dahilang premature pa ito.
Binigyang-diin din ng Sandiganbayan, na magkaiba ang motion to fix bail at application for bail.
Anila, hindi maaaring magtakda ng halaga ng piyansa ang korte hangga’t hindi naghahain ng pormal na aplikasyon para sa piyansa ang akusado at hindi pa natatapos ang pagdinig para matukoy kung malakas o hindi ang ebidensya ng pagkakasala.