Walang anumang bomba o pampasabog ang natagpuan sa Polangui Gymnasium matapos ang agarang inspeksyon ng mga awtoridad kasunod ng kumalat na bomb threat sa social media kaugnay ng nakatakdang pagbubukas ng NBL Youth Albay basketball tournament sa bayan.
Ayon sa Polangui Municipal Police Station (MPS), bandang alas-8:30 ng gabi noong Hulyo 29 nang mamataan ng kanilang cyber patroller ang isang pampublikong post mula sa Facebook account na “Jaqzx Meh” na naglalaman ng banta ng umano’y pagpapasabog sa venue ng torneo.
Agad namang nagsagawa ng validation ang mga pulis sa nasabing lugar. Sa pakikipagtulungan ng Albay Provincial Explosive Canine Unit (PECU), isinailalim sa masusing inspeksyon ang buong Polangui Gymnasium gamit ang mga trained K9 dogs at iba pang kagamitan sa explosive detection.
Dakong alas-10:20 ng gabi nang ideklarang ligtas ang pasilidad matapos matiyak na walang natagpuang kahina-hinalang bagay o anumang uri ng pampasabog.
Kasunod nito, nakipag-ugnayan din ang Polangui MPS sa Sports Coordinator ng LGU Polangui kaugnay ng nakatakdang pagbubukas ng torneo sa Agosto 17 o 18 upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng aktibidad.
Nananatili ring naka-deploy ang 24/7 police visibility sa paligid ng gymnasium bilang karagdagang seguridad.
Samantala, isinangguni na sa Regional Anti-Cybercrime Unit 5 (RACU 5) ang insidente upang matukoy ang nasa likod ng naturang Facebook account.
Muling nagpaalala ang pulisya na ang pagpapakalat ng bomb threat at maling impormasyon na nagdudulot ng takot sa publiko ay may kaakibat na mabigat na pananagutan sa ilalim ng batas.
Hinihikayat din ang publiko na maging mapanuri at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad, maging sa personal o sa online platforms.
📸 Polangui MPS