Hindi isinasantabi ng House Prosecution Panel na mabago ang pagkakasunod ng presentasyon ng mga Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang posibleng pagtalakay agad sa Article 2 o unexplained wealth.
Ayon kay House Prosecution Panel spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., pinapayagan sila ng pre-trial order ng impeachment court na baguhin ang order ng presentasyon ng ebidensya basta’t ipaalam ito sa korte at sa depensa.
Gayunman, sinabi niyang wala pang pinal na desisyon ang prosecution sa usapin. Aniya, sa ngayon ay nakatuon muna sila sa paglalatag ng ebidensya para sa article na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ipinaliwanag din ni Tolosa na kakarating pa lamang ng mga nasubpoena na bank records kaya kailangan pa itong masuring mabuti at maipresenta sa paraang malinaw at madaling maunawaan.
Dagdag pa niya, nananatiling bukas ang opsyon na baguhin ang pagkakasunod ng mga articles kapag nakita nilang nararapat.