Tinatayang nasa ₱24.35 milyon ang halaga ng hinihinalang puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang warehouse sa Barangay Santa Rosa, Murcia, Negros Occidental.
Sa ulat ng Philippine National Police -Public Information Office , aabot sa 429 master cases at iba pang kahon ng sigarilyo ang narekober sa isinagawang operasyon.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office Negros Island Region ang operasyon, katuwang ang Bureau of Customs at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Walang naabutang indibidwal sa warehouse na umako sa mga nakumpiskang produkto na walang nakitang kaukulang permit at graphic health warning.
Dinala na sa Murcia Municipal Police Station ang mga sigarilyo habang hinihintay ang pinal na pagsusuri at pagtataya sa halaga ng mga ito.