Binigyang-diin ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel Senen Sarmiento na nananatiling seryoso ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng lahat ng nilagdaang kasunduang pangkapayapaan sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Sarmiento na malinaw sa naging State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos ang commitment ng pamahalaan na tiyaking maabot ng mga komunidad ang benepisyo ng mga peace agreement, kabilang ang CBA-CPLA, MILF, at MNLF.
Ayon pa sa kalihim, prayoridad din ng OPAPRU ang pagpapalakas ng mga socio-economic program sa mga dating apektado ng sigalot, alinsunod sa mandato ng Konstitusyon na palayain ang mamamayan mula sa kahirapan.
Kaugnay naman ng nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections, tiniyak ni Sarmiento ang patuloy na koordinasyon ng OPAPRU sa COMELEC at iba pang ahensya upang matiyak ang malaya, tapat, at ligtas na halalan sa rehiyon.
Bilang bagong Chairperson ng Government Peace Implementing Panel (GPIP) for the peace process with the Moro Islamic Liberation Front (MILF), sinabi rin niyang agad siyang makikipagpulong sa kanyang counterpart upang mapabilis ang implementasyon ng mga napagkasunduang hakbang sa peace process.
Dagdag pa ni Sarmiento, layunin ng administrasyon na matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan at maisulong ang inklusibong kaunlaran sa mga komunidad, bilang bahagi ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.