Nanindigan ang prosekusyon na hindi sila papatinag o magpapa-distract sa reklamong isinampa laban sa ilang prosecutors kaugnay ng subpoena sa bank at financial records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa.
Paliwanag ni private prosecutor at legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang naturang reklamo ay may kaugnayan sa impeachment proceedings at naniniwala silang isasaalang-alang ng prosecutors ang naging desisyon ng impeachment court na payagan ang subpoena sa mga dokumento.
Aniya, malinaw ang batayan ng korte dahil bahagi ng pagtukoy sa kabuuang yaman ng bise presidente ang pagsusuri sa mga bank records na may kaugnayan sa conjugal properties ng mag-asawa.
Sinabi rin ni Tolosa na hindi nila pangungunahan ang magiging pasya ng prosecutors ngunit kumpiyansa silang matibay ang depensa ng House prosecutors.
Naniniwala naman si House Prosecution team adviser Robert Ace Barbers na maaaring layunin ng reklamo na pigilan ang pagpresenta ng mahahalagang ebidensya sa impeachment trial.
Ngayong araw ay naghain ng counter-affidavit sa Quezon City Prosecutor’s Office ang ilan sa miyembro ng prosekusyon gaya nina Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon at Manila 3rd District Representative Joel Chua, kaugnay ng reklamong inihain ni Atty. Mans Carpio laban sa kanila at sa iba pang opisyal dahil sa umano’y unlawful disclosure ng kaniyang financial information