Photo courtesy of Presidential Car Museum
Alam mo ba na may isang natatanging museo sa Pilipinas kung saan naka-display ang mga sasakyang ginamit ng mga nagdaang pangulo ng Pilipinas? Ito ang Museo ng Pampangulong Sasakyan o Presidential Car Museum na matatagpuan sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod ng Quezon.


Naging saksi sa mahahalagang pangyayari sa ating bansa ang bawat sasakyan na makikita sa museo. Isa na rito ang 1924 Packard Single 6 233 Series na ginamit ni Heneral Emilio Aguinaldo noong siya ay nagretiro na sa Cavite. Ang interior ng sasakyan ay gawa sa kahoy at vinyl.

Tampok din sa museo ang itim na Cadillac Series 75 Limousine (1947) na ginamit ng unang presidente ng Ikatlong Republika ng Pilipinas, Manuel Roxas.

Isang modernong sasakyan na 1937 Chrysler Airflow Custom Imperial CW ang ginamit ni dating Pangulong Manuel L. Quezon dahil sa aerodynamic na hugis nito. Ginamit din ito nina dating Pangulong Jose P. Laurel at Sergio Osmeña. Makikita rin sa museo ang Chrysler Crown Imperial Limousine (1955) na ginamit ng tinaguriang “The People’s President” Ramon Magsaysay.
Isa pang iconic na sasakyan na matatagpuan sa Presidential Car Museum ay ang 1980 Lincoln Continental Mark VI ‘Signature Series‘ na naging bahagi ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., pati na rin ang marangyang Rolls-Royce Phantom V na ginamit noong kaniyang panunungkulan.

Samantala, pinreserba rin sa museo ang naging sasakyan ng kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa, si Corazon Aquino, na 1986 Mercedes-Benz 500SEL.
Higit sa estilo at halaga ng mga ito, ang mga pampangulong sasakyan ay saksi sa mahahalagang desisyon ng ating mga pinuno, mula sa mga pulong habang bumibiyahe hanggang sa mga pagkakataong kailangan nilang agad na makaalis sa isang lugar para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ang bawat sasakyan ay sumasalamin din sa teknolohiya at disenyo ng bawat administrasyon, na nagpapakita ng pag-unlad ng ating bansa sa bawat panahon. Higit sa lahat, ang mga presidential car na ito ay bahagi ng ating pambansang yaman na dapat mapanatili at mapreserba para sa mga susunod na henerasyon.
Bukas ang Presidential Car Museum sa publiko mula Martes hanggang Linggo, 9:00 AM hanggang 4:00 PM.