Photo courtesy of Tourism Quirino
Matagumpay na isinagawa ng Department of Tourism Region 2 (DOT 2) ang pilot run ng Lakbay Likha: A Creative Tourism Experience, tampok ang mga lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya.
Ayon kay DOT 2 Regional Director Troy Miano, bida sa Lakbay Likha ang pagkamalikhain ng lokal na komunidad ng dalawang kambal na lalawigan sa Rehiyon Dos para iangat ang kanilang pamumuhay.
“Sa mahabang panahon ay naikubli nila [local artisans] ang kanilang galing. Naitago nila ang kanilang kakayahan na sana ay nagresulta sa pagkakakitaan para maitaas ang antas ng kanilang kabuhayan. Kaya tayo [DOT 2] sa lahat ng aspeto, lahat ng puwedeng hugutan [ay isinasali ang local artisans] nang sa gayon ay hindi lamang tumaas ang ating tourist arrivals kundi mapauland pa ang kanilang buhay,” ani RD Miano.

Dagdag pa ng opisyal, ang mga local entrepreneur, kabilang ang mga nasa creative industry, ang nagpapasigla sa karanasan ng mga bibisita sa dalawang lalawigan.
“Sila ang susi, sila ang magbibigay ng tinatawag na experiential tourism sa ating turistang manlalakbay, lokal man o banyaga. Kung may inisyatibo o perks na kikita sila, mas gaganahan silang tumulong sa pamahalaan, lokal man o pambansa, na lalong paunlarin ang kanilang lugar,” aniya.
Lumahok sa limang-araw na familiarization tour ang mga kinatawan mula sa national government agency, lokal na pamahalaan, tour operator, at miyembro ng media.

Sa Quirino, naranasan ng mga kalahok ang paggawa ng fossilized flowers mula sa dahon ng Alibangbang, malikhaing paghahabi gamit ang retaso, at mga gawaing pangkultura kasama ang komunidad ng mga Bugkalot sa Nagtipunan.
Samantala, sa Nueva Vizcaya naman tampok ang iba’t ibang aktibidad tulad ng pottery-making, tradisyonal na paghahabi, pagpipinta, farm experiences, food processing, at wellness activities.
Ayon kay Chief Tourism Operations Officer Romeo Caranguian, Jr., ang bawat destinasyon ay may alok na kakaibang experience sa mga turista.
“Kinapitan natin ‘yung uniqueness ng bawat destination na napuntahan natin. Both provinces have considerable potential because they offer a combination of natural attractions, cultural resources, agricultural activities, and community-based enterprises,” ani Caranguian.

Pero bukod aniya sa kahandaan ng mga komunidad na binisita ng mga kalahok, pinlantsa ng DOT 2 ang iba’t ibang aspeto ng Lakbay Likha para masigurong market-ready ang mga ito.
“We also need to look at the details that make the tourism product ready for the market. This includes accessibility, ‘yung transportation arrangement natin, ‘yung ating clear itineraries, ‘yung ating mga facilities na kailangan convenient ‘yung ating mga bisita, safety measures, service standards. Also, ‘yung presyo, mahalagang pag-usapan din ang pricing,” dagdag pa ni Caranguian.

Inaasahang higit pang mahihikayat ng Lakbay Likha ang mga turista na tuklasin ang kultura at tradisyon ng Quirino at Nueva Vizcaya, na magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa turismo at magpapataas sa bilang ng mga bibisita sa dalawang lalawigan.
Dahil sa matagumpay na pilot run nito, inaasahan ding magkakaroon ng sariling Lakbay Likha tourism circuit ang iba pang lalawigan sa Rehiyon Dos kabilang ang Isabela at Cagayan upang higit pang maipakilala ang yaman ng kultura, tradisyon, at pagkamalikhain ng buong Cagayan Valley sa mas maraming turista.