Pinabulaanan ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang pahayag ni Cong. Pulong Duterte na may kwestyon umano sa kaniya si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng alegasyon ng korapsyon.
Binigyang-diin ni Matibag ang palaging pahayag ng dating pangulo na sibak agad sa puwesto ang sinumang makitaan ng bahid ng katiwalian.
Naitalaga pa nga aniya siyang presidente at CEO ng National Transmission Corporation (TransCo), at bago matapos ang termino ni Duterte, in-appoint pa siya nito bilang cabinet secretary.
Ayon pa kay Matibag, natapos niya ang kaniyang termino habang maraming sinibak ang dating pangulo dahil sa isyu ng korapsyon.
Tinawag ni Matibag na “marites” ang pahayag ni Cong. Duterte at baka nga aniya ay hindi pa nito nakakausap ang kaniyang ama tungkol sa kaniya.
Sa kaniyang Facebook page, sinabi ng kongresista na natatandaan niyang may kwestyon ang dating pangulo tungkol kay Matibag kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon.
Iniimbestigahan si Rep. Duterte ng NBI kaugnay ng alegasyon ni Rodulfo Gracioso Jr. na nag-deliver umano siya rito ng male-maletang P100 milyon na cash, sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Sinisilip din ng NBI ang mga flood control project sa distrito ni Rep. Pulong Duterte.
