Nasa sampung miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang pormal nang kinasuhan kaugnay ng extrajudicial killings (EJKs) sa ginagawang imbestigasyon ng House Quad Committee.
Ayon kay dating Quad Comm Chair at kasalukuyang House impeachment adviser and spokesperson Ace Barbers, bukod sa mga pulis ay marami pa ring reklamo ang nakabinbin sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.
Sa gitna ng usapin, muling binuksan ni Barbers ang kaso ng dating Bureau of Customs (BOC) intelligence officer na si Jimmy Guban, na naging pangunahing testigo sa kontrobersyal na multibillion-peso shabu shipment na itinago sa mga magnetic lifter noong 2018.
Muling pinuna ni Barbers ang naging proseso ng paghahain ng kaso laban kay Guban, kung saan siya lamang ang nag-iisang nasangkot sa umano’y konspirasyon.
Binigyang-diin ni Barbers na nagbunga ng mga konkretong legal na hakbang ang serye ng pagdinig ng Quad Comm at hindi lamang nagtapos sa mga public hearing.
Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang kaukulang ahensya upang maghain ng karagdagang demanda laban sa iba pang dawit sa illegal drugs, smuggling at EJKs noong nakaraang administrasyon.