Iginiit ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. na ang mga inobasyon sa agham at teknolohiya, gayundin ang mga inobasyong nakatutok sa food security, sustainable energy at national resilience, ang pangunahing solusyon sa mga kasalukuyang hamon na kinahaharap ng bansa, lalo na sa usapin ng sakuna at climate change.
Inihayag ni Solidum, sa ginanap na Regional Science, Technology and Innovation Week at Handa Pilipinas Mindanao leg sa Davao, ang mahalagang papel ng kampanya sa paghahanda at pagpapalakas ng mga komunidad laban sa banta at epekto ng El Niño.
Ayon sa kalihim, malaki ang maitutulong ng paggamit ng mga makabagong siyentipikong sistema at teknolohiya upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura, matiyak ang sapat na suplay ng pagkain at mapatatag ang imprastruktura ng bansa sa gitna ng mga sakuna at pagbabago ng klima.
Layunin ng nasabing event na maabot ng DOST ang iba’t ibang sektor—kabilang ang mga lokal na pamahalaan, negosyo at mamamayan—upang mas maging handa at maagap sa pamamagitan ng paggamit ng mga lokal na inobasyon sa disaster risk reduction at climate adaptation.