Target ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na paramihin pa ang Green Mobility Hubs sa buong bansa na gumagamit ng solar energy.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Balanga Green Mobility Hub, nakita mismo niya ang malaking tulong ng pasilidad upang mapagana ang mga electric vehicle na kasalukuyang libreng ginagamit ng mga lokal na residente ng Balanga, Bataan.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, isa itong government project na aakalain mong gawa ng isang pribadong contractor dahil sa ganda at kalidad nito.
Aniya, posible naman palang magkaroon ng maganda, dekalidad at mabilisang pagtatayo ng proyekto na pamahalaan mismo ang nanguna.
Sa tulong ng nasabing Green Mobility Hub, mas mura na ang singil sa pag-charge ng mga electric vehicle. Kung ikukumpara sa kada litro ng diesel, ₱18 lamang ang magagastos.
Sa ngayon, pinaplano na ng pamahalaan na dagdagan pa ang mga katulad na Green Mobility Hub sa buong bansa bilang sagot na rin sa mataas na presyo ng produktong petrolyo at bilang tugon sa renewable energy initiatives ng pamahalaan.