Iginiit ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III na hindi lang iikot ang administrasyong Marcos at pamahalaan sa pamimigay ng lupa sa mga magsasaka, kundi kasama rin dito ang iba pa nilang pangangailangan.
Sa isang panayam, sinabi ni Estrella na tututukan din ng DAR ang sapat na imprastruktura at mga makabagong kagamitan upang tuluyang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Kabilang sa mga tututukan ang pagtatayo ng mas marami at matitibay na farm-to-market road, mga irrigation system, tulay at mga makinarya sa pagsasaka.
Malaki umano ang maitutulong nito upang mapataas ang produksiyon ng mga magsasaka, lalo’t haharap ang bansa sa banta ng El Niño.
Dagdag pa ni Estrella, ang pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain ay pundamental sa kapakanan ng mamamayan, gayundin sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan at pagdedesisyon.