Photo courtesy of DTI Region 2
Bibida sa kauna-unahang Padday na Lima Regional Coconut Trade Fair ang mga coconut-based innovation ng mga negosyante mula sa Cagayan Valley.
Sa programang Pasyal Pinas, ibinahagi ng SME Development Division Chief ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 na si Ramil D. Garcia, CPA, na nasa 50 exhibitors ang kalahok sa naturang trade fair habang nasa 20 One Town, One Product (OTOP) entrepreneurs din ang sasali.

Bagama’t bago pa lamang ang industriya ng niyog sa Cagayan Valley, naniniwala si Garcia na malaki ang potensyal nito sa pagbibigay ng kabuhayan sa buong rehiyon.
“Nakikita po natin na malaki ang potensyal o room for growth ng ating mga farmers, MSMEs, mga processors and producers, kaya isa pong magandang hakbang ang paglulunsad natin ng 1st Regional Coconut Trade Fair para mabigyan po ng pansin ang ating coconut industry at mahikayat ang ating mga kababayan na ang coconut industry ay isang mahalagang industriya na puwedeng panggalingan ng oportunidad at kabuhayan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ni Garcia.
Bukod sa sikat na buko pie, tampok din sa trade fair ang iba pang coconut-based products gaya ng coco jam at candies, coco vinegar, buko empanada, gayundin ang personal care at wellness products gaya ng virgin coconut oil, massage oil, hair serum at iba pa.
Libre at bukas sa publiko ang Padday na Lima 1st Regional Coconut Trade Fair na gaganapin mula November 18 hanggang November 22, 2026 sa Robinsons Malls, Tuguegarao City, Cagayan.