Photo courtesy of National Commission for Culture and the Arts
Opisyal nang binuksan ngayong buwan ng Oktubre ang taunang pagdiriwang ng National Indigenous Peoples Month sa buong bansa. Layunin nitong bigyang-pugay ang mayamang kultura, tradisyon, at mahahalagang ambag ng mga katutubong pamayanan sa kasaysayan at pambansang pagkakakilanlan ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ng taunang pambansang pagtitipon na Dayaw 2026, muling ipinamalas ng bansa ang pagpapahalaga sa mayamang kultura, katatagan, at tradisyon ng mga katutubong komunidad. Ginanap ang pormal na pagbubukas ng aktibidad nitong Martes, Oktubre 13, 2026, sa makasaysayang Foro de Intramuros sa Maynila.

Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang makulay na parada kung saan lumahok ang mahigit 200 katutubo at cultural bearers mula sa 41 Indigenous Peoples (IP) community clusters sa buong Luzon, Visayas, at Mindanao. Suot ang kanilang mga tradisyunal na kasuotan, naglakad ang mga kalahok sa Intramuros upang ipakita ang kanilang natatanging identidad.

Dinaluhan din ang aktibidad ng mga kilalang katutubong alagad ng sining na ginawaran ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) gaya nina MB Rosie Sula, MB Barbara Ofong, MB Estelita Bantilan, MB Samporonia Madanlo, MB Marife Ganahon, MB Adelita Bagcal, MB Bundos Fara, at MB Teofilo Garcia.
Nakatutok ang pagdiriwang sa temang “Pagkamalikhain ng Katutubong Filipino: Pinagtibay ng mga Pagsubok, Umaalab ang Bagong Pag-asa” na layong bigyang-diin ang sining at katatagan ng mga katutubo sa kabila ng mga makabagong hamon.

Ang buwanang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1906 na nilagdaan noong 2009. Naglalayon din itong gunitain ang pagsasabatas ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) of 1997 upang patuloy na isulong at protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga katutubong pamayanan sa bansa.
Sa pagbubukas ng pagdiriwang, iba’t ibang aktibidad ang inihanda ng pamahalaan sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).



