Nadagdagan pa ang mga housing developer na sumusuporta sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay kasunod ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding o MOU sa pagitan nina Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta at DMCI Homes President Alfredo Austria, na sinaksihan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, para sa pormal na pagsali ng DMCI Homes sa flagship housing program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng kasunduan, tutukuyin ng DMCI Homes ang mga proyektong maaaring isama sa programa at ang mga available na housing unit, kabilang ang mga ready-for-occupancy property.
Samantala, magbibigay ang Pag-IBIG Fund ng housing financing, loan counseling at iba pang tulong para gabayan ang mga miyembro sa kanilang desisyong bumili ng sariling bahay.
Bahagi rin ang partnership ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2026, na naglalayong palakasin ang pagsisikap ng pamahalaan na makapagbigay ng de-kalidad at abot-kayang pabahay sa mga pamilyang Pilipino.
Ang DMCI Homes ang ikapitong developer na sumali sa Expanded 4PH Program.