Aktibo ang mga Isabeleños sa ginanap na opisyal na paglulunsad ng “LegisHear” program ng House of Representatives sa bayan ng Echague, Isabela.
Sa isinagawang press conference, inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na naging inspirasyon ng Kamara ang mga naunang nationwide consultative meeting sa taumbayan para sa panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Dahil dito, naisipan ng pamunuan ng Kamara na mas ilapit pa ang Kongreso sa mga komunidad upang direktang makabahagi ang mamamayan sa pagbuo ng mga panukalang batas na kapaki-pakinabang sa maraming Pilipino.
Ayon kay Speaker Dy, target ng Kapulungan na libutin ang lahat ng rehiyon sa bansa upang maramdaman ng taumbayan ang presensya ng pamahalaan at maging kaisa sila sa pagbuo ng mga batas.
Ang Isabela ang naging unang lalawigang binisita ng inisyatibo, na kilalang balwarte ng lider ng Kamara.
Ibinahagi naman ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na humigit-kumulang 19 na government agencies ng pamahalaan ang nakipagtulungan sa aktibidad.
Layunin nitong maghatid ng direktang serbisyo publiko sa mga residente ng Isabela, bukod pa sa isinasagawang legislative consultation at oversight program ng Kongreso.