Inihain ng Akbayan Reform Bloc sa Kamara ang House Bill 10440 na naglalayong itaas sa ₱500,000 ang taunang income tax exemption mula sa kasalukuyang ₱250,000.
Saklaw ng panukala ang mga empleyado at self-employed na kumikita ng hanggang kalahating milyong piso kada taon.
Ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, napapanahon ang panukala dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na nagpapabigat sa gastusin ng mga manggagawa at middle-income earners.
Giit naman ni Akbayan Rep. Chel Diokno na makatutulong ang panukala upang lumaki ang maiuuwing kita ng mga manggagawa at madagdagan ang kanilang pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Bukod sa tax exemption, inaamyendahan din ng panukala ang income tax brackets, kung saan tataas ang buwis batay sa antas ng taunang kita ng isang indibidwal.
a. Ang mga may taunang kita na ₱500,000 pababa ay hindi na magbabayad ng income tax (0%).
b. Ang mga may taunang kita na higit sa ₱500,000 ngunit hindi lalampas sa ₱715,000 ay magbabayad ng 15% ng halagang lampas sa ₱500,000.
c. Ang mga may taunang kita na higit sa ₱715,000 ngunit hindi lalampas sa ₱1.3 milyon ay magbabayad ng ₱32,000, dagdag ang 20% ng halagang lampas sa ₱715,000.
d. Ang mga may taunang kita na higit sa ₱1.3 milyon ngunit hindi lalampas sa ₱3 milyon ay magbabayad ng ₱145,000, dagdag ang 25% ng halagang lampas sa ₱1.3 milyon.
e. Ang mga may taunang kita na higit sa ₱3 milyon ngunit hindi lalampas sa ₱11.6 milyon ay magbabayad ng ₱580,000, dagdag ang 30% ng halagang lampas sa ₱3 milyon.
f. Ang mga may taunang kita na higit sa ₱11.6 milyon ay magbabayad ng ₱3.15 milyon, dagdag ang 35% ng halagang lampas sa ₱11.6 milyon.