Nagbabala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko laban sa mga scammer na ginagamit ang pangalan ng ahensya upang makapanloko online.
Ito yung tinatawag na fund recovery scam, kung saan nagpapanggap ang scammer na kinatawan ng recovery o legal service providers na di umano’y makatutulong na mabawi ang perang nawala sa mga biktima ng online scam.
Upang magmukhang lehitimo, ginagamit ng mga scammer ang mga logo ng ahensya ng pamahalaan. At gumagawa ng mapanlinlang na online content o advertisement na gawa ng artificial intelligence (AI).
Sa isang video advisory, binigyang-diin ni PNP Anti-Cybercrime Group Director Police Major General Wilson Asueta na walang kaugnayan ang kanilang ahensya sa anumang fund recovery service.
Nauna na ring nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa kaparehong modus.
Kaya naman, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at isumbong ang kahina-hinalang aktibidad online sa CICC Hotline 1326 o sa pinakamalapit na tanggapan ng istasyon ng pulisya.