Photo courtesy of Tayabas City Tourism
Mas makabuluhang karanasan kasama ang kalikasan ang tampok sa bagong tourism package ng Tayabas City sa lalawigan ng Quezon na Adyo Banahaw.
Sa programang Pasyal Pinas, inanyayahan ni Tayabas City Tourism Officer Koko Pataunia ang mga turista na muling bisitahin ang lungsod ng Tayabas sa pamamagitan ng bagong tourism offering na ito na layong iparanas sa mga turista ang ganda at kasaysayan ng sagradong Bundok Banahaw.
Ayon kay Pataunia, tatlong araw ang itatagal ng nasabing tour na magbibigay ng pagkakataon sa mga turista na bisitahin ang natural treasures sa paanan ng Mt. Banahaw. Sasalubong sa mga turista ang iba’t ibang uri ng puno at halaman sa bundok na patuloy na pinangalagaan ng Tayabas City Environment and Natural Resources Office.

Malamig at malinis na tubig ng Malagaylay Falls, Tomloy Falls, at The Lagoon naman ang naghihintay sa mga bisita kung saan maaari silang maligo. Hindi rin mawawala ang mga lokal na pagkain na inihanda para sa mga ito na sumasalamin sa kultura at panlasa ng mga Tayabasin.

Higit sa pamamasyal, isinusulong din sa Adyo Banahaw ang responsableng turismo at paglalakbay nang may malasakit sa kalikasan lalo pa’t isang protected landscape ang Mt. Banahaw National Park.
Pinaalalahanan din ng Tayabas City Tourism Office ang publiko na direktang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa mga kaukulang permit na kailangan at matiyak ang kanilang kaligtasan sa pagbisita sa Bundok Banahaw.