Mahigpit na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sandatahang lakas na tiyakin ang isang malaya, tapat, at ligtas na kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ito ang inihayag ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel Senen Sarmiento. Aniya, layunin ng Pangulo na mabigyan ang bawat botante sa Bangsamoro ng kalayaang makapili ng kanilang mga magiging kinatawan sa isang tapat, transparent, at ligtas na halalan.
Ayon pa kay Sarmiento, patuloy ang koordinasyon ng OPAPRU sa Commission on Elections (COMELEC) upang matiyak ang maayos na paghahanda para sa halalan, na bahagi ng pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Aniya, mahalaga ang halalang ito dahil ang mga ihahalal na miyembro ng Bangsamoro Parliament ay magkakaroon ng mahalagang papel sa pagbuo ng mga polisiya at pagpapatupad ng mga programang magpapalakas sa sariling pamamahala ng rehiyon.
Isasagawa ang unang BARRM Parliamentary Elections sa ika-14 ng Setyembre ngayong taon.