Photo courtesy of Bureau of Immigration
Dalawang Japanese fugitives ang ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik sa Tokyo noong Miyerkules bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng ahensya laban sa mga dayuhang pugante at transnational criminal syndicates na nago-operate sa Pilipinas.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga deportee na sina Takeuchi Kazuo, 57-anyos, at Nishiwaki Yutaka, 44-anyos. Magkahiwalay silang isinakay sa Japan Airlines flights patungong Tokyo noong Hulyo 29.
Ayon kay Viado, patunay ang deportasyon ng dalawa sa matatag na ugnayan ng Pilipinas at Japan sa paglaban sa transnational crime.
Aniya, naging mahalaga ang malapit na koordinasyon sa Japanese law enforcement authorities upang matiyak na hindi magiging kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas.
Sa pamamagitan umano ng mabilis na intelligence sharing at joint operations, lalo pang napapalakas ang laban kontra sa mga internasyonal na sindikato.
Naaresto si Takeuchi ng Fugitive Search Unit ng BI noong Hulyo 2023 matapos ipaalam ng mga awtoridad ng Japan na nagtago ito sa Pilipinas upang makaiwas sa pag-uusig. Wanted siya ng Sage Summary Court dahil sa kasong robbery resulting in bodily injury at theft.
Samantala, nadakip naman si Nishiwaki noong Enero ng taong ito sa isang joint operation ng BI, National Police Agency of Japan, at Philippine National Police. Hinahanap siya ng Tokyo Summary Court dahil sa kasong theft matapos umanong magpanggap na law enforcement officer upang malinlang ang mga matatandang biktima na ibigay ang kanilang ATM cards at personal banking information. Ginamit umano ng kanyang grupo ang mga impormasyong ito upang magnakaw ng pera sa pamamagitan ng unauthorized withdrawals.
Kinilala rin ng mga awtoridad ng Japan si Nishiwaki bilang isa sa mga natitirang miyembro ng kilalang “Luffy” syndicate, isang transnational criminal organization na pinaniniwalaang nakapagnakaw ng mahigit isang bilyong yen mula sa theft, fraud, at iba pang ilegal na aktibidad habang nago-operate mula sa Pilipinas.