Inalmahan ng Samahan ng Nagkaisa Labor Coalition ang pagsuspinde ng Pasig Regional Trial Court (RTC) sa P85 na umento sa sahod ng mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Federation of Free Workers National President at Nagkaisa Labor Coalition Chairperson, Attorney Sonny G. Matula, inihayag nito na walang huridiksyon ang Pasig RTC sa mga gawain ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Aniya, salungat ito sa batas o sa labor code na nagbabawal sa korte na makialam sa mga proceeding at issuances ng RTWPB.
Ani Atty. Matula, inaasahan nila na irerekonsidera ng RTC ang kanilang naging desisyon dahil wala pa aniya sa kasaysayan ng labor code ng Pilipinas na nakialam ang RTC sa desisyon ng RTWPB maging ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Dagdag pa ni Matula, hinimok na rin nila ang labor secretary na magsumite ng motion for reconsideration at nakikipag-ugnayan na rin sila sa ibang sangay na gobyerno na may kaugnayan sa usaping ito.