Photo courtesy of Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC)
Tiniyak ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na tutuparin nito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga kabataan laban sa mga panganib sa internet.
Matatandaan na sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos laban sa fake news, pornograpya, karahasan, at hate culture na laganap sa social media at maaaring makaapekto sa kalusugan at mental health ng mga kabataan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni CICC Executive Director Usec. Renato “Aboy” Paraiso na patuloy ang pagpapaigting ng kanilang kampanya laban sa mga online predator at iba pang cybercriminal na nagsasamantala sa mga bata.
Hinikayat din ni Usec. Paraiso ang mga magulang na bantayan ang paggamit ng internet ng kanilang mga anak. Aniya, kung may mapansing kahina-hinalang kilos o posibleng banta, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa CICC hotline 1326 para sa kaukulang aksyon.