📷 FDCP
Opisyal nang inihayag ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), sa pakikipagtulungan sa Asian Film Alliance Network (AFAN), na ang Pilipinas ang magsisilbing host para sa gaganaping ASEAN Film and TV Summit 2026.
Gaganapin ang prestihiyosong pagtitipon mula Agosto 12 hanggang 14, 2026 sa Seda Manila Bay.
Dadalhin ngayong taon ang temang “Navigating our Future, Together,” kung saan magkakasama-sama ang mga lider sa industriya, producers, archivists, mga tagapagturo, policymakers, at mga institusyong pangkultura mula sa buong rehiyon. Layunin ng summit na ipagdiwang ang sining ng pelikulang Asyano, palakasin ang pangkulturang pag-unawa, at magpalitan ng kaisipan ukol sa patuloy na umuunlad na merkado ng pelikula at telebisyon sa Timog-Silangang Asya.
MGA TAMPOK NA GAWAIN SA SUMMIT
Maghahandog ang summit ng malawak na hanay ng mga aktibidad para sa mga delegadong internasyonal at sa publiko:
- Pangkulturang Pagbisita (Agosto 12): Bebisitahin ng mga delegadong internasyonal ang mga makasaysayang pook sa Intramuros, kabilang ang Philippine Film Heritage Building, upang masulyapan ang mayamang kasaysayan at kultura ng pelikulang Pilipino.
- Mga Diskusyon at Public Forum (Agosto 13): Magsisimula ang araw sa isang keynote presentation mula kay Prof. Patrick F. Campos, PhD, na susundan ng dalawang pampublikong forum ukol sa film archiving at film education. Dalo rito ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng Ministry of Culture ng Thailand, Badan Perfilman Indonesia, European Film Agency Directors Association (EFAD), National Centre for Cinema and the Moving Image (CNC) ng Pransya, Korean Film Council (KOFIC), Agency for Cultural Affairs ng Hapon, at Ministry of Culture, Sports, and Tourism ng Vietnam.
- AFAN Closed-Door Session (Agosto 14): Magtitipon ang mga miyembrong organisasyon ng AFAN at mga imbitadong stakeholder sa isang pribadong pagpupulong upang talakayin ang mga pangrehiyong prayoridad, mga hamon sa industriya, at mga oportunidad para sa kolaborasyon.
AFAN Boot Camp para sa mga Batang Filmmaker
Kahanay ng summit, gaganapin din ang AFAN Boot Camp for Young Filmmakers mula Agosto 9 hanggang 14, 2026. Labing-anim (16) na umuusbong na filmmaker mula sa iba’t ibang panig ng Asya ang sasailalim sa isang masinsinang film lab para sa script development, co-production, at project pitching sa pakikipagtulungan sa Production and Storytelling (PaS).
Bilang bahagi ng programa:
- Ipapalabas ang mga gawa ng mga kalahok sa Ayala Malls Cinema at sa mga FDCP Cinematheque Centre sa Maynila, Bacolod, at Iloilo.
- Magkakaroon ng talkback session sa pagitan ng mga manonood at ng mga filmmaker sa Ayala Malls Cinema.
- Makikilahok ang mga boot camp participant sa dalawang industry mixer sa Agosto 13 upang makipag-ugnayan at bumuo ng koneksyon sa mga Pilipinong producer at propesyonal sa pelikula.
Isang Mahalagang Hakbang para sa Pelikulang Pilipino
Ang pagiging host ng Pilipinas sa ASEAN Film and TV Summit 2026 ay muling nagpapatunay sa aktibong pakikipag-ugnayan ng bansa sa pandaigdigang komunidad ng pelikula at telebisyon. Sa pamamagitan ng pagbuo ng makabuluhang diyalogo at kolaborasyon, patuloy na pinatitibay ng bansa ang mga pangkulturang ugnayan at ang pagtataguyod sa iba’t ibang boses at kuwento sa buong Asya.