Mariing kinondena ng Quezon City Police District (QCPD) ang kumakalat na umano’y mapanirang impormasyon sa iba’t ibang Facebook groups na nag-uugnay sa ilang tauhan nito sa mga paratang ng panggagahasa, pag-inom ng alak sa loob ng opisina, at umano’y pagtatakip sa insidente.
Ayon sa QCPD, batay sa isinagawang imbestigasyon at sa mga sinumpaang salaysay ng nagreklamo at ng mga sangkot na personnel, walang sapat na ebidensya para patunayan ang mga naturang alegasyon.
Nilinaw rin ng QCPD na walang naihain na reklamong rape laban sa mga tauhan at walang naging batayan para sa pagsasampa ng anumang kasong administratibo o kriminal.
Kasunod nito, nagbabala ang QCPD na maaaring managot sa batas ang sinumang nagpapakalat ng mali at mapanirang impormasyon.