Photo courtesy of Overseas Workers Welfare Administration
Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang 11 Pilipinong seafarer na naapektuhan ng mga drone attack sa Black Sea malapit sa Ukraine, matapos silang salubungin at tulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Kabilang sa mga nakauwi ang anim na tripulante ng MV INASE at limang tripulante ng MV VENTURO, na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon, Hulyo 31.
Agad silang binigyan ng airport assistance at Special Financial Assistance upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan habang muling nakakasama ang kanilang mga pamilya.
Pagkatapos nito, inasikaso naman sila ng kani-kanilang Licensed Manning Agencies na magbibigay ng karagdagang suporta tulad ng pansamantalang matutuluyan, medical check-up, at iba pang post-arrival assistance bago sila tuluyang makauwi sa kanilang mga probinsya.
Ayon sa OWWA, patuloy itong nakikipagtulungan sa DMW at iba pang ahensya upang matiyak ang maagap at komprehensibong ayuda sa mga OFW, mula sa panahon ng krisis hanggang sa kanilang ligtas na pag-uwi at muling pagbangon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.