Bumalik sa neutral ang kumpiyansa ng mga negosyo sa bansa nitong Hunyo 2026 matapos umangat ang Business Confidence Index (CI) sa 0.0 mula sa -25.2 noong Mayo.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nakatulong sa pagbuti ng kumpiyansa ng mga negosyo ang inaasahang pagtaas ng consumer spending kasabay ng pagbubukas ng bagong school year, gayundin ang pagbaba ng presyo ng langis at iba pang energy costs noong isinagawa ang survey.
Mas positibo rin ang inaasahan ng mga negosyo sa susunod na tatlong buwan at sa loob ng isang taon dahil sa inaasahang mas mataas na household consumption, mas malakas na demand para sa mga produkto at serbisyo, at pagbuti ng kalagayang pang-ekonomiya.
Samantala, marami ring negosyo ang nagpaplanong magdagdag ng mga empleyado at palawakin ang kanilang operasyon sa susunod na 12 buwan.
Gayunman, nananatili pa ring hamon sa mga negosyo ang matinding kompetisyon sa lokal na merkado, kakulangan sa demand, at mga problemang pinansyal.
Sa kabila ng mga hamon, ipinapakita ng pinakahuling survey ng BSP na unti-unti nang bumabalik ang kumpiyansa ng mga negosyo. Ang naitalang business confidence din nitong Hunyo ang pinakamataas mula pa noong Pebrero ngayong taon.