Photo courtesy of Department of Tourism
Nakiisa ang Department of Tourism (DOT) sa libo-libong A’TIN sa buong bansa sa sabayang watch party para sa makasaysayang pagtatanghal ng SB19 sa Lollapalooza 2026 sa Chicago, USA kung saan naging kauna-unahang Filipino act ang grupo na umakyat sa entablado ng isa sa pinakamalalaking music festival sa mundo.
Pinangunahan ng DOT ang “Lunetapalooza” sa Rizal Park sa Maynila, habang nagsagawa rin ng sabayang watch parties sa iba’t ibang lungsod kabilang ang Clark, Cebu, Davao, Bacolod, Puerto Princesa, Tagbilaran, Butuan, at Cagayan de Oro. Dumalo rito ang libo-libong tagasuporta, kabilang ang mga senior citizen at persons with disabilities, bilang pagpapakita ng suporta sa pandaigdigang tagumpay ng grupo.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong tagahanga na sama-samang masaksihan ang makasaysayang pagtatanghal ng SB19, na kamakailan lamang ay itinalagang Tourism Ambassadors ng Pilipinas dahil sa kanilang ambag sa pagpapakilala ng kulturang Pilipino sa buong mundo.
Ayon sa DOT, bahagi ang inisyatibang ito ng patuloy na pagsusulong ng kahusayan ng mga Pilipino at paggamit ng musika at malikhaing industriya upang higit pang palakasin ang turismo at pambansang pagkakakilanlan ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.