Itinuturing ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU na mahalagang hakbang ang kauna-unahang regular na parliamentary elections sa Bangsamoro para sa tuluyang pagsasakatuparan ng Exit Agreement sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa paggunita ng kaniyang unang 100 araw sa panunungkulan, sinabi ni Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen S. Sarmiento na ang halalan sa Bangsamoro ay isa sa mga natitirang pangunahing commitment sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.
Ayon kay Sarmiento, kapag matagumpay na naisagawa ang halalan, mas mapapalapit ang paglagda sa Exit Agreement na magsisilbing pormal na pagtatapos ng implementasyon ng peace agreement sa MILF. Aniya, ito rin ang magbibigay daan upang tuluyang maipagkatiwala sa mamamayan ng Bangsamoro ang paghubog sa kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng demokratikong proseso.
Kasabay nito, tiniyak din ng OPAPRU ang pagpapatuloy ng iba pang natitirang peace deliverables, kabilang ang pagsusulong ng Transitional Justice and Reconciliation Bill at pagpapatibay ng mga programang pangkapayapaan sa rehiyon.
Iginiit ni Sarmiento na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagkumpleto sa lahat ng kasunduan upang matiyak ang pangmatagalang kapayapaan, kaunlaran, at pagkakaisa sa Bangsamoro at iba pang conflict-affected areas sa bansa.