Target ng Department of Transportation (DOTr), na maikasa na ang partial opening ng Unified Grand Central Station, na mas kilala bilang Common Station, sa unang quarter ng taong 2028 matapos aprubahan kamakailan ng Economy and Development Council (EDC) ang variation order para sa proyekto.
Sa isang panayam, sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na magsisikap ang DOTr na maisagawa na agad ang interim operations ng Comon Station sa lalong madaling panahon.
“Ang nangyari rito, tinapos natin ang kontrata. At matapos itong tapusin, nakipag-usap tayo sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) kung maaari nilang ipagpatuloy ang proyekto sa pamamagitan ng isang variation order,” ani Lopez.
Ipinaliwanag ni Lopez na dahil isang variation order ang nsabing kasunduan, kinakailangan itong dumaan sa tamang proseso ng pamahalaan, na natapos na sa pag-apruba ng EDC.
“Masisimulan na natin ito, at hahabulin natin na magkaroon ng hindi bababa sa bahagyang operasyon sa unang quarter ng 2028,” dagdag ni Lopez.
Sinabi rin ng kalihim na naghanda na ang DOTr ng pansamantalang solusyon upang mapadali ang paglipat ng mga commuter habang isinasagawa pa ang buong konstruksyon ng Common Station.
“Ang gagawin natin ngayon ay tiyakin na kapag natapos na ang North Avenue Station ng MRT-7 at naging ganap nang operational, magagamit na ng ating mga commuter ang concourse at platform,” aniya.
Dagdag pa niya, nakikipag-usap din ang DOTr sa pamunuan ng Trinoma upang magkaroon ng daanan para sa mga pasaherong papunta sa MRT-3.
“Sa ganitong paraan, hindi na sila kailangang maglakad sa ilalim o sa mismong kalsada,” ani Lopez.
Tiniyak din ni Lopez na target makumpleto ang buong Common Station pagsapit ng 2030.
Kapag natapos ito, magiging mas mabilis at mas maginhawa na ang paglipat ng mga pasahero sa iba’t ibang linya ng tren.
Layunin ng Common Station na pagdugtungin ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), MRT-3, MRT-7, at sa hinaharap ay ang Metro Manila Subway, sa isang iisang integrated transport hub na matatagpuan sa North Avenue sa Quezon City.
Ayon sa DOTr, magkakaroon din ang istasyon ng isang intermodal integrated transport system sa ground level, kung saan maaaring sumakay ang mga pasahero ng bus, jeep, o taxi pagkatapos lumabas ng istasyon.