Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na tatlong Pilipinong seafarer na ang nasawi sa mga pag-atake sa Northern Black Sea.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na umabot sa 236 Pilipinong seafarer mula sa 17 barko ang apektado ng labanan sa naturang lugar.
Kabilang sa naturang bilang ang tatlong nasawi, 217 ang ligtas, 15 ang nasugatan, at isa ang patuloy na nawawala.
Ayon kay Cacdac, 89 seafarer na ang naipauwi sa bansa, kabilang ang ilang nasugatan, habang patuloy ang koordinasyon para sa repatriation ng iba pang apektadong Pilipino.
Samantala, iniutos ng DMW sa mga manning agency at shipowner na ilipat sa mas ligtas na lugar ang mga Pilipinong seafarer na nasa apektadong lugar. Pinayuhan din ng ahensya ang mga shipowner na huwag munang magpadala ng mga barkong may dalang Pilipinong crew sa Northern Black Sea dahil sa mataas na panganib sa seguridad, ayon sa assessment ng mga awtoridad.