Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na tuluyan nang inihain para sa ‘preliminary investigation’ ang ilang mga kaso laban kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda.
Ayon kay Ombudsman Remulla, ang mga reklamong isasailalim sa ‘preliminary investigation stage’ ay ang plunder, graft, at conflict of interest.
Konektado aniya ang mga reklamong ito sa Solar firm ni Cong. Leandro Leviste na bigong tuparin ang pangako o responsibilidad makapagbahagi ng ‘Solar energy’ para sa bansa.
Paliwanag pa ni Remulla na napasama rin ang ina ng mambabatas na si Sen. Loren Legarda sa kaso dahil sa paggamit umano nito ng posisyon bilang ‘Chairman’ noon ng Senate Finance Committee para mabigyan ng prangkisa si Rep. Leviste.
Depensa ni Ombudsman Remulla na hindi masasabing may impluwensya ito ng politika sapagkat masusi naman daw itong pinag-aralan. Itinuring din ng opisyal ang naturang kaso bilang ‘ghost electricity’ kung saan aabot sa higit sampung bilyong piso ang pinag-uusapan na nawalang benepisyo para sa Pilipinas.