Binawi ng Islamic Da’wah Council of the Philippines, Inc. (IDCP) ang Halal certificates ng apat na produktong beef loaf, epektibo noong Hulyo 27, 2026.
Inilabas ng IDCP ang abiso sa pamamagitan ng public advisory sa kanilang social media page.
Ayon sa IDCP, hindi na pumasa sa mga itinakda nitong Halal requirements ang Argentina Beef Loaf Regular, Argentina Beef Loaf Hot and Spicy, 555 Beef Loaf, at Lucky 7 Beef Loaf.
Dahil dito, sinabi ng IDCP na hindi na nito matitiyak na Halal ang naturang mga produkto batay sa mga pamantayan ng kanilang organisasyon.
Ibinahagi rin ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang naturang abiso sa opisyal nitong social media page.
Ang IDCP ay isang organisasyong nagbibigay ng Halal certification para sa mga produkto, serbisyo, at establisimyento upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga pamantayan ng Halal.