Muling tatanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga aplikasyon para sa Provisional Authority to Operate ng mga motorcycle taxi rider simula August 5.
Kasabay nito, bubuksan din ang pagsusumite ng letter of intent para sa akreditasyon ng mga Motorcycle Taxi Platform Providers o MTPP.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, ang pagproseso ng mga aplikasyon ay nakabatay sa rider cap na itinakda ng Motorcycle Taxi Technical Working Group sa bawat platform.
Nilinaw din ng ahensiya na walang bagong motorcycle taxi platform na tatanggapin dahil ang mga slot ay para lamang sa mga dati nang pinayagan ng Technical Working Group.
Nauna nang ipinatigil ng LTFRB ang pagdaragdag ng mga rider at yunit matapos makatanggap ng ulat na lumampas sa itinakdang limitasyon ang ilang ride-hailing service providers.
Layunin ng hakbang na maging mas maayos, sistematiko at moderno ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.