Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol
Sa layuning maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pinagkalooban ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V ng cash assistance ang 854 na benepisyaryo sa bayan ng Manito, Albay sa ilalim ng UPLIFT payout program.
Sa isinagawang payout noong July 30, pinangunahan ni DSWD Bicol Regional Director Norman S. Laurio ang pamamahagi ng tig-₱2,000 na ayuda sa bawat benepisyaryo, na may kabuuang halagang umabot sa ₱1,708,000.
Ayon sa DSWD Bicol, ang UPLIFT payout ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at isinasagawa sa ilalim ng gabay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian upang makatulong sa mga pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Patuloy namang tiniyak ng DSWD Bicol, katuwang ang mga ‘Angels in Red Vest,’ na maiparating ang kinakailangang tulong sa mga higit na nangangailangan, kabilang ang mga residente sa mga liblib at malalayong lugar sa rehiyong Bicol.