Bilang bahagi ng patuloy na pagpapaabot ng tulong sa gitna ng umiiral na energy emergency sa bansa, namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ng kabuuang ₱2,750,000 sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa mga bayan ng Juban at Casiguran, Sorsogon.
Ayon sa DSWD Bicol, may kabuuang 1,375 kwalipikadong benepisyaryo ang nakatanggap ng ayuda. Bawat isa ay tumanggap ng ₱2,000 bilang karagdagang suporta upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na dulot ng umiiral na tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng programa, ang mga mahihirap at near-poor na pamilyang natukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mga low-income employed members ng SSS ay makatatanggap ng ₱2,000 buwanang ayuda hanggang Disyembre.
Samantala, ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ay tatanggap ng one-time cash assistance sa ilalim ng naturang programa.