Sinimulan na ngayong umaga ang una sa dalawang araw ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT), kabilang ang pagsusulit sa UP Diliman sa Quezon City.
Maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga aplikante at kanilang mga kasama, dahilan upang bumigat ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada papasok sa campus.
Pansamantalang isinara sa publiko ang buong UP Diliman campus ngayong August 1 at 2, kabilang ang jogging at iba pang recreational activities, upang bigyang-daan ang maayos na pagsasagawa ng UPCAT.
Tanging mga awtorisadong sasakyan at mga indibidwal na may opisyal na kaugnayan sa pagsusulit ang pinapayagang makapasok.
Isinasagawa ang UPCAT sa 118 testing centers sa buong bansa upang mas mapalapit at maging mas accessible ang pagsusulit sa mga nagnanais maging Iskolar ng Bayan.
Noong nakaraang admission cycle para sa Academic Year 2026–2027, umabot sa 18,350 aplikante ang nakapasa sa UPCAT, o 12.44% ng kabuuang 147,437 na kumuha ng pagsusulit.