Photo Courtesy of DSWD Bicol
Nakatanggap ng one-time cash assistance at food commodities ang daan-daang benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa bayan ng Pili, Camarines Sur, sa isinagawang Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) payout kasabay ng buwanang Food Redemption Activity.
Sa dalawang araw na aktibidad noong July 28 at 29, sa pangunguna ni DSWD Field Office V Regional Director Norman S. Laurio, 760 sambahayan ang tumanggap ng tig-₱2,000 na one-time cash assistance na may kabuuang halagang ₱1,520,000.
Samantala, 820 sambahayan naman ang nakatanggap ng food commodities na nagkakahalaga ng tig-₱3,000, na umabot sa kabuuang ₱2,460,000 ang halaga ng ipinamahaging pagkain.
Ayon sa DSWD Bicol, ang programa ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ipinatutupad sa ilalim ng gabay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian upang matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat pamilyang benepisyaryo.
Dagdag pa ng ahensya, ang one-time cash assistance ay nagsisilbing karagdagang suporta sa mga sambahayang hindi sapat ang kita upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.