Nananatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng tuloy-tuloy na mataas na aktibidad sa nakalipas na 24 oras.
Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon habang mahigpit na ipinatutupad ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa paligid ng bulkan.
Sa inilabas na 24-hour monitoring report ng PHIVOLCS nitong Agosto 2, naitala ang pagdaloy ng lava sa Basud Gully na umabot sa 3.8 kilometro, 3.2 kilometro sa Bonga Gully, at 2.7 kilometro sa Mi-isi Gully. Naitala rin ang 29 volcanic earthquakes at 11 rockfall events, habang nananatiling nakikita ang crater glow.
Umabot sa 1,220 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission at may 100 metrong taas ng plume na inaanod patungong timog-timog-silangan at timog-timog-kanluran.
Binigyang-diin ng PHIVOLCS na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa paligid ng bulkan.
Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-agos ng lava, pyroclastic density currents at pagbuga ng abo. Samantala, dahil sa patuloy na nararanasang pag-ulan sa lalawigan dulot ng Bagyong Luis, pinag-iingat ang publiko sa pagragasa ng lahar.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga lokal na pamahalaan at mga disaster response agencies sa PHIVOLCS upang matiyak ang maagap na paghahanda at mabilis na pagtugon sa anumang posibleng pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Mayon.
Hinikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at umiwas sa mga ipinagbabawal na lugar para sa kanilang kaligtasan.