Kaisa ang buong Department of Education (DepEd) sa pagluluksa sa pagkasawi ng isang mag-aaral ng Las Piñas National High School Main na nabiktima ng pananaksak ng sarili nitong ka-klase noong isang linggo.
Sa inilabas na pahayag ng kagawaran, binigyang-diin nito na dapat maging isang ligtas na sanctuario ang mga paaralan at hindi anila katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan.
Kaugnay nito, inihayag ng DepEd ang paghahandog ng tulong at suporta sa pamilya ng biktima gaya ng pagpapadala ng trauma counseling sa mga apektadong kamag-aral at mga staff na nakakita sa insidente.
Gayundin ang buong pakikipagtulungan sa gumugulong na imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagpapatupad ng mga batas at pagrerepaso sa campus security protocols.
Dagdag pa ng DepEd, hindi sila titigil upang mapanatili at maitaguyod ang isang ligtas na kapaligiran para sa lahat ng mga mag-aaral.

