Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS sa bulkang Mayon ng 21 volcanic earthquake, pagbuga ng abo, at 11 rockfall signals ayon sa ulat ng ahensya ngayong August 3, 2026.
Nakitaan din ng banaag ang bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga gullies ng Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (2.1 km).
Umabot sa 1,798 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya nitong August 2.
May taas na 200-metro mula sa crater ang plume sa bulkan na nasa katamtamang pagsingaw at napadpad sa gawing silamgan.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, na may nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa bulkang Mayon kung kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.
📷PHIVOLCS, Florie Lyn